Kenneth Roland A. Guda
Nakabibingi ang pananahimik sa Malakanyang noong Oktubre 7. Nanalangin marahil ang mga tambolero ng Pangulo upang di na sumagi sa isip ng publiko ang 10 linggong palugit na ibinigay ni Pangulong Arroyo sa Task Force Usig (TFU) para lutasin ang kahit 10 kaso ng pamamaslang sa mga aktibista at mamamahayag sa bansa. Oktubre 7 ang petsa ng naturang palugit.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na ulat ang naturang task force. Marahil, itinuturing nitong tapos na ang trabaho. Ilang araw matapos ianunsiyo ni Arroyo ang pagbubuo ng TFU, inihayag agad ni Gen. Avelino Razon, hepe ng Philippine National Police at pinuno ng TFU, na “mismong mga kasamahang Komunista” ang pumaslang sa karamihan ng mga biktima — kahit wala pang masusing imbestigasyon. Sinegundahan naman siya nina AFP (Armed Forces of the Philippines) Chief of Staff Hermogenes Esperon at ang kareretirong si Brig. Gen. Jovito Palparan, dalawa sa itinuturong arkitekto diumano ng pampulitikang panunupil at pamamaslang.
Kaugnay nito, tinuligsa ng Human Rights Committee ng National Democratic Front of the Philippines, sa pamamagitan ni Fidel Agcaoili, ang TFU. “Ang kasinungalingan ng (TFU) ay pinabubulaanan ng testimonya ng mga nakaligtas at iba pang saksi na malinaw na nagtuturo sa (AFP), pulisya at mga death squad ng rehimeng Arroyo bilang responsable sa pamamaslang at pagdukot.”
Marami ang nangangambang katulad rin ng TFU ang sasapitin ng Komisyong Melo, isang “independiyenteng komisyon” na binuo ng Malakanyang bilang reaksyon sa mga batikos ng iba’t ibang grupo sa labas ng bansa, kabilang ang Amnesty International (AI), prestihiyosong pandaigdigang organisasyon sa pagtatanggol ng mga karapatang pantao.
Pariwarang imbestigasyon
Nalaman ng PINOY WEEKLY na sa sikretong diyalogo ng komisyon sa mga abogadong pangkarapatang pantao, ipinagtapat diumano ni Melo ang balak na sa mga testitmonya na lamang nina Razon, Esperon at Palparan pangunahing ibabatay ang ilalabas ng ulat ng komisyon.
Sa testimonya ni Razon sa komisyon, inulit lamang niya ang tindig ng TFU na “New People’s Army ang may kagagawan ng pamamaslang.” Sinegunduhan naman siya nina Esperon at Palparan.
Paliwanag ni Melo, maaaring maglabas sila ng opisyal na ulat matapos ang 30 araw. Sa loob ng panahong ito, aniya, maaari pang makipag-ugnayan sa komisyon ang mga biktima, kaanak ng mga biktima at mga grupong pangkarapatang pantao.
Ngunit ayon sa mga naturang grupo at pamilya, walang pormal na imbitasyon ang komisyon para sila ay dumalo at tumestigo sa mga pagdinig. Paliwanag pa ni Ruth Cervantes, opisyal sa pampublikong impormasyon ng Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao na nakikipag-ugnayan sa mga kaanak ng mga biktima. “Hindi totoo ang ikinakalat ni Melo sa midya na “iniisnab” ng mga biktima ang Komisyon – sa simpleng dahilan na hindi naman sila iniimbitahan.”
Noong Agosto 21, nang buuin ng Malakanyang ang komisyon – at italaga sina Melo, Chief State Prosecutor Jovencito Zuño, National Bureau of Investigation Director Nestor Mantaring, Senior Counsel Rogelio Vinluan, Obispo Juan de Dios Pueblos, at Nelia Gonzalez ng UP bilang miyembro nito – hiniling ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye sa publiko na bigyan ito ng pagkakataong gawin ang dapat nitong gawin.
Ngunit sa simula pa lamang, duda na ang Karapatan sa komisyon. Sabi ni Cervantes, ni walang idineklarang proseso ang komisyon sa kung paano nito isasagawa ang imbestigasyon.
Dapat, biktima ang una
Ito rin ang puna ng AI, na nauna nang bumatikos sa gobyernong Arroyo ukol sa grabeng sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas. Sa memorandum nito kay Arroyo nang bumisita ang huli sa London noong Setyembre 14, inihayag ng AI ang anim na paraan para masiguro ng komisyon na magagawa nito ang misyon. Kabilang sa mga ito ang pagkakaroon ng malawak na kapangyarihan sa imbestigasyon, pagiging bukas sa publiko ng mga pagdinig, at kasiguruhan ng mga testigo at kaanak ng mga biktima.
Ayon sa naturang memorandum, kailangang maging “victim-centered” ang imbestigasyon. Ibig sabihin, kailangan ibigay sa mga biktima at mga kaanak nila ang pangunahing atensiyon at konsiderasyon. Batay umano ito sa Declaration of Basic Principles of Justice for Victims of Crime and Abuse of Power na nilagdaan ng United Nations General Assembly noong 1985 na nagsasabing:
“[T]he responsiveness of judicial and administrative processes to the needs of victims shall be facilitated by taking measures to minimize inconvenience to victims, protect their privacy, when necessary, and ensure their safety, as well as that of their families and witnesses on their behalf, from intimidation and retaliation. (Ang pagtugon ng mga prosesong panghukuman at administratibo sa pangangailangan ng mga biktima ay gagawin sa pamamagitan ng pagbabawas sa kanilang paghihirap, pagtatanggol sa kanilang privacy at kung kailangan, pagtiyak sa kanilang kaligtasan, at sa kaligtasan ng kanilang mga pamilya at saksi laban sa pananakot at pagganti.)”
Ngunit sa kaso ng komisyon, hindi lang sa inuna sina Razon, Esperon at Palparan, hinadlangan pa nito ang pagdalo sa pagdinig ng mga kaanak ng biktima sa ilalim ng grupong Hustisya. Noong Set. 18, habang dinidinig ng komisyon ang testimonya ni Esperon, di sila pinapasok ng mga sundalong guwardiya ng heneral sa bulwagan ng Integrated Bar of the Philippines.
“Pero ang pinakamalala, idineklara mismo ni Melo na magiging batayan ng ulat nito ang ulat ng Task Force Usig,” himutok ni Cervantes. Nakakagalit umano sa mga biktima na mas isinasaalang-alang ng komisyon ang ulat ng TFU na di nagsagawa ng anumang imbestigasyon kaysa sa dinggin ang mismong testimonya nila.
Banggaang Melo, CHR
Samantala, maging ang CHR na ahensiya ng gobyerno ay kumokontra sa pagkakabuo ng Komisyong Melo.
Sa pinakahuling pagdinig noong Oktubre 3, binatikos ni Quisumbing ang Komisyong Melo sa pagsa-subpoena sa CHR sa halip na simpleng pag-iimbita sa nasabing ahensiya. Tumanggi si Quisumbing na sumagot sa mga tanong ng komisyon hinggil sa datos ng CHR sa extrajudicial killings. Sa halip, hinikayat niya ang mga miyembro ng komisyon na pumunta sa tanggapan ng CHR para tingnan ang kanilang rekord.
Dati nang posisyon ng CHR na di na kailangan ang Komisyong Melo dahil iniatang na ng Konstitusyong 1986 dito ang kapangyarihang imbestigahan ang mga paglabag sa mga karapatang pantao. Ayon kay Eduaro Diansuy, opisyal sa pampublikong relasyon ng CHR, walang katuturan ang Komisyong Melo dahil taliwas ito sa polisiyang streamlining ng gobyerno na laban sa pagkakapare-pareho ng trabaho ng iba’t ibang ahensiya.
Sinabi pa ni Diansuy na di lamang mandato ng CHR ang inaapakan ng Komisyong Melo, kundi pati ang sa Presidential Human Rights Commission, na nasa ilalim ng DOJ (Department of Justice).
Sinang-ayunan ito ni Sen. Aquilino Pimentel Jr., lider ng minorya sa Senado. Nanawagan si Pimentel sa Malakanyang na buwagin ang Komisyong Melo dahil sanhi ito ng “pag-eetsa-puwera sa CHR.” “Ginagaya lamang ng Komisyong Melo ang trabaho ng [CHR]. Nakakainsulto ito sa CHR laluna’t di naman ito pabaya sa pagtugon sa konstitusyonal na tungkulin nitong imbestigahan ang mga paglabag sa karapatang pantao,” paliwanag ni Pimentel. Sinusugan pa ng senador ang ulat ni Quintin Badelles-Cueto III, komisyoner ng CHR, na nagsasabing kayang-kaya ng CHR na imonitor ang mga paglabag sa karapatang pantao sa buong bansa kung may sapat itong pondo.
“Kahit na marami pang aspeto ng trabaho nito ang kailangang paunlarin, maganda at pabor sa mga biktima ng abuso ang marami sa mga hakbang ng CHR ngayon,” ayon naman kay Marie Hilao-Enriquez, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Sa ngayon, sabi ni Enriquez, sinisikap ng CHR na ipakita ang independensiya nito sa ilalim ng liderato ni Quisumbing.
Ang malaking problema ng CHR, ani Enriquez, ay ang kawalan nito ng kapangyarihang usigin sa korte ang mga pinaghihinalaang lumalabag sa mga karapatang pantao. Sa ngayon, samantalang nakakapag-imbestiga ito, maaari lamang nitong irekomenda ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek. Kadalasan, di naman naisasampa ang mga kaukulang kaso, o kaya’y nabuburo sa korte.
Samantala, hinikayat ni Pimentel ang CHR na kuwestiyonin sa korte ang legalidad ng Komisyong Melo. “Kung naniniwala ang CHR na sinasalaula ng Komisyong Melo ang gawain nito, dapat magsampa ito ng kaukulang asunto na kukuwestiyon sa pagbubuo ng komisyon,” paliwanag ng senador.
Suntok sa buwan
Para kay Cervantes, magkakaroon lamang ang kredibilidad ang Komisyong Melo kung tutuparin nito ang apat na hiling ng mga kaanak ng mga biktima. Una, katulad ng rekomendasyon ng AI, kailangang siguruhing mapoprotektahan nito ang mga kaanak at testigo. Pangalawa, dapat alisin ang mga miyembro nito mula sa NBI (Mantaring) at DOJ (Zuño). Pangatlo, ibasura nito ang walang-saysay na ulat ng TFU. At pang-apat, isentro ang imbestigasyon sa testimonya ng mga biktima, tulad ng rekomendasyon ng AI.
Ngunit sa ngayon, tila suntok sa buwan ang mga ito. Sa hanay ng publiko, mga lokal at pandaigdigang organisasyon at mga gobyerno ng iba’t ibang dayuhang bansa, unti-unting nalalantad ang tunay na kulay ng komisyon bilang maka-administrasyon, na itinatag para lamang salagin ang mga batikos kay Arroyo. “Mas kailangan ni Arroyo ang Komisyong Melo kaysa kailangan ng mga biktima ang komisyon,” ayon kay Cervantes.
“Gusto kong marinig ang Pangulo na binabalaan ang mga kumander ng militar na tatanggalin sila sa puwesto at kakasuhan kung di matitigil ang pamamaslang sa kanilang mga lugar,” sabi ni Pimentel.
Naninindigan ang mga kaanak ng mga biktima na di nila makakamit ang hustisya sa Komisyong Melo. At sabihin mang ang katahimikan (o pagsisinungaling) ang huling depensa ng napipipilan, hindi sila titigil sa pangangalampag at pagbasag ditto hanggang di napananagot at napaparusan ang mga maysalang opisyal ng militar at gobyerno, hanggang sa pinakarurok ng kapangyarihan sa Malakanyang.
Pinoy Weekly, Oktubre 11-17, 2006