KR Guda
Pinoy Weekly, Disyembre 13-19, 2006
BIBINGKA, malagkit at pansit ang paboritong lutuin ni Nanay Elizabeth Calubad tuwing nagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon kapiling ang kanyang pamilya: ang asawang si Rudy, 53 taong gulang, at dalawang anak na sina Gabriel at Liza.
“Salu-salo ang aming buong pamilya tuwing Pasko. Reunion kumbaga,” kuwento ni Nanay Elizabeth. Pero kung hindi ubra, matiwasay naman sila sa kasiguruhang ligtas ang isa’t isa saanman naroroon.
Hindi kasi tiyak ang pag-uwi ni Rudy dahil siya ay konsultant ng NDFP (National Democratic Front of the Philippines) sa usapang pangkapayapaan sa gobyerno ng Republika ng Pilipinas. Kung kaya inaasam ng buong pamilya ang Bagong Taon, na pambihirang pagkakataon sa kanilang pagsasama-sama.
Galing sa kanilang bahay sa Calauag, Quezon si Rudy, kasama ang anak na si Gabriel, nang dukutin ng mga pinaniniwalaang elemento ng AFP (Armed Forces of the Philippines) noong Hunyo 17. Anim na buwan na ang nakararaan, di pa rin matunton ni Nanay Elizabeth ang kanyang mag-ama.
Bunga noon, nagkahiwa-hiwalay silang magpapamilya. Sa pagkakadukot sa mag-ama, kinailangan ring magtago si Liza, kasama ang apo ni Nanay Elizabeth kay Gabriel. Mahirap na raw, baka sapitin din nila ang nangyari kina Rudy at Gabriel. Ngayong Pasko, nag-iibayo ang sakit at pangungulila.
“Kalungkutan ang nadarama ko,” sambit ni Nanay Elizabeth. Napuwersa na rin siyang iwan ang bahay at manatili sa Kamaynilaan. Bukod sa pangamba sa seguridad sa Calauag, kailangang ituloy niya ang paghahanap sa mag-ama kahit panahon ng Pasko.
Tutal, aniya, pag-asa naman ang mensahe ng Pasko. Di pa rin siya nawawalan ng pag-asang mahahanap sina Rudy at Gabriel.
Samantala, ngayong Pasko at Bagong Taon, balak ni Nanay Elizabeth na ipagdiwang ang okasyon kapiling ang iba pang kaanak ng mga desaparecido, silang nagsilikas sa kani-kanilang bahay at bayan para hanapin ang mga nawawalang mahal sa buhay.
“Ang gusto kong pamasko ay ilabas ng gobyerno ang nawawala kong asawa at anak. Sana ngayong Bagong Taon,” apila niya. At kung magkakagayon, siguradong lulutuin ni Nanay Elizabeth ang bibingka, malagkit at pansit.
4 responses so far ↓
sarsie // November 15, 2008 at 2:03 am
ang ganda ng estorya…pwde ba syang ma grab?
sarsie // November 15, 2008 at 2:05 am
as in ang ganda………….
time // November 16, 2008 at 12:50 pm
ang gandang story…at sana mahanap mo na sila..
krguda // November 16, 2008 at 4:46 pm
oks. grab nyo lang po. lagyan nyo lang link ng pinagkuhanan. salamat!