KR Guda
Pinoy Weekly, Disyembre 6-12, 2006
IGINIGIIT ng embahada ng US ang kustodiya kay US Marine Lance Corp. Daniel Smith, sa kabila ng promulgasyon ni Makati Regional Trial Court Judge Benjamin Pozon na dapat makulong pansamantala sa Makati City Jail sa salang panggagahasa.
Inihayag ng DFA (Department of Foreign Affairs) noong Huwebes, Disyembre 5, na nagpadala ng note verbale ang embahada ng US kaugnay ng pagkapiit kay Smith.
Sa naturang note iginiit ng embahada ang probisyon ng VFA (Visiting Forces Agreement) na nagsasabing mapupunta sa gobyerno ng US ang kostudiya ng kaniyang personnel kung hihilingin niya ito hanggang matapos ang lahat ng prosesong hudisyal.
Sa pahayag ng DFA, sinabi nitong kailangang dumaan muna ang usapin ng kostudiya sa negosasyon sa pagitan ng gobyernong US at Pilipinas.
Ngunit nauna nang inihayag ni DOJ (Department of Justice) Sec. Raul Gonzalez ang pagsang-ayon sa embahada ng US na dapat na nasa kostudiya ng US si Smith habang hindi pa natatapos ang mga prosesong hudisyal.
Sinabi ni Atty. Evalyn Ursua, abogado ni Nicole, na sinunod lamang ni Judge Pozon ang batas ng Pilipinas sa paggiit ng kustodiya kay Smith.
Matapos ang promulgasyon, inihayag ng mga abogado ni Smith ang intensiyon nilang mag-apela sa Court of Appeals.
“Inaasahan na naming mag-aapela sila (Smith), dahil karapatan naman ni Smith na mag-apela sang-ayon sa ating batas,” sabi ni Ursua.
Gayunman, tutol si Ursua at si Nicole sa pagbibigay ng special treatment kay Smith. Napabalita kasi na balak ng DOJ magpatayo ng hiwalay na kuwarto para kay Smith.
Napabalita rin ang paggamit diumano ni Smith ng laptop computer sa loob ng kulungan, prebilehiyong di ibinibigay sa mga ordinaryong preso.
“Unfair iyan. Dapat i-treat si Smith kung ano ang normal na treatment sa mga preso dito sa ating bansa,” pahayag ni Nicole.
0 responses so far ↓
There are no comments yet...Kick things off by filling out the form below.