KR Guda
Pinoy Weekly, Disyembre 6-12, 2006
ITINUTURING ni “Nicole” at ng Gabriela na panimulang tagumpay ng mga mamamayang Pilipino ang hatol ni Makati Regional Trial Court Judge Benjamin Pozon na maysala ang akusadong si Lance Corp. Daniel Smith sa panggagahasa kay Nicole sa Subic noong nakaraang taon.
“Partial victory ito para sa mga mamamayang Pilipino,” komento ni dating Bise Presidente Teofisto Guingona Jr., na lumahok sa protesta ng Gabriela matapos ang promulgasyon ng kaso.“Naging matapat si Judge Pozon sa ebidensiyang iprinisinta ng prosekusyon.”
Sumigaw at humiyaw sa panimulang tagumpay ang mga militanteng organisasyon sa pangunguna ng Gabriela nang hatulan ni Pozon si Smith. Nagyakapan at nag-iyakan pa ang ilan, sabay sigaw ng “ikulong ang nanggahasa!” ng karamihan sa desisyon ni Pozon na pananagutin si Smith at ikulong sa Makati City Jail.
Gayunpaman, di sapat ang naging tagumpay, dahil di naikulong ang tatlo pang akusado na dalian pang itinakbo ng gobyerno ng US patungong Amerika, sabi ni Emmi de Jesus, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Ayon kay De Jesus, “makukuha lamang ang kumpletong hustisya para kay Nicole sa pagbabasura sa VFA (Visiting Forces Agreement). Hindi kumpleto ang hustisya kung di naaalis ang banta sa kababaihan at kabataang Pilipino tulad ng VFA at interbensiyong militar ng US.”
Sa loob ng korte, umiyak sa tuwa si Nicole at ang mga kaanak niya dahil sa hatol kay Smith. Tulala naman at tila namumutla si Smith, habang halos maglupasay sa galit ang kapwa akusadong si Staff Sargeant Chad Carpentier dahil sa sinapit ng kanyang kasamahan.
Sa promulgasyon ni Pozon, sinabi niyang may sapat na patunay na ginahasa ni Smith si Nicole. Gayunman, di sapat ang ebidensiya na magsasabing pumayag o tinulungan ng iba pang mga akusadong sina Carpentier at Lance Corps. Dominic Duplantis at Keith Silkwood na gahasain ni Smith ang biktima.
Bagaman may ebidensiyang nagpapatunay na inudyukan nina Carpentier, Duplantis at Silkwood si Smith na gahasain si Nicole, di ito sapat para ideklarang naging aktibong kalahok sila sa panggagahasa, ayon sa promulgasyon.
“Natutuwa kami, kahit papaano, na ‘guilty’ ang hatol kay Smith,” pahayag ni Susan, nanay ng biktimang si Nicole. Aniya panahon na para ipagpatuloy ni Nicole ang normal na buhay niya matapos ang malupit na karanasang sinapit sa kamay ng mga Kano.
Sinabi naman ni Atty. Evalyn Ursua, abogado ni Nicole, na naniniwala siyang naging “patas” si Pozon sa kanyang desisyon.
Sinabi ni Ursua na mahahatulang maysala din sana ang tatlo pang US Marines kung tumestigo ang nagtago na saksi sa krimen na si Timoteo Soriano, drayber ng Starex van na pinangyarihan ng panggagahasa.
“Hindi namin inaasahang ganoon ang magiging desisyon ni Pozon sa pagkulong kay Smith. Pero natutuwa kami sa desisyon ni Judge Pozon na igiit ang kostudiya kay Smith.,” pahayag ni Ursua.
Sinabi naman ni Atty. Ricardo Diaz, abogado ni Smith, na iaapela nila ang kaso sa Court of Appeals. Kukuwestiyunin din umano nila sa Korte Suprema ang paggiit ni Pozon ng kostudiya kay Smith, sa kabila ng nakasaad sa Visiting Forces Agreement na dapat pag-usapan muna ng gobyerno ng Pilipinas at US kung kanino mapupunta ang kostudiya kay Smith.
Ngunit para kay Ursua, “Naging tapat lamang si Pozon sa nakasaad sa ating batas.” Sinabi pa niyang sa simula’t sapul iginigiit na ng proseuksyong labag sa Saligang Batas ang probisyon ng VFA hinggil sa kostudiya sa mga akusado. Nakasaad diumano sa Revised Penal Code na sa mga kasong tulad ng gahasa, dapat nasa kostudiya ng korte ng Pilipinas ang akusado.
Sinabi rin ni Guingona na dapat repasuhin ang VFA na tahasang lumalabag sa karapatan ng mga mamamayan at soberanya ng bansa.
Sa isang kumperensiya sa midya isang araw matapos ang promulgasyon, sinabi naman ni Nicole na “ngayon ko lang napansin na dehado talaga ang VFA sa mga Pilipino, kaya sana naman kung sino ang pasa ng VFA, kahit sana irebyu nila.”
Ani De Jesus, batay sa gawi ng gobyernong Arroyo ng pagyuko sa interes ng US, “di kami magugulat kung makakakuha si Smith ng magaang sentensiya, suspendidong sentensiya, presidential pardon o itatakas palabas ng Pilipinas patungong US.”
0 responses so far ↓
There are no comments yet...Kick things off by filling out the form below.