KR Guda
Pinoy Weekly, Nobyembre 29-Disyembre 3, 2006
PINAPATAY din ng militar ang mga lider-empleyado sa mismong gobyerno, mariing deklarasyon ng Courage (Confederation for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees).
Pinakahuli sa mga kaso ang pagpatay ng pinaghihinalaang mga sundalo kay Paquito “Pax” Diaz, tagapangulo ng Courage sa Eastern Visayas at Municipal Agrarian Reform Officer ng Department of Agrarian Reform sa Palo, Leyte.
Bandang 6:30 nang gabi noong Hulyo 6, sa Tacloban City, habang nakatayo si Pax sa tapat ng bahay niya, dumaan ang isang motorsiklong “XRM-type” na may sakay na dalawang lalaki. Pagtapat kay Pax, naglabas ang lalaking angkas ng kalibre .45 at binaril siya sa kaliwang pisngi. Muli siyang binaril sa kaliwang bahagi ng katawan habang bumabagsak.
Gimbal ang mga kasamahan ni Pax sa Courage. Kilalang masipag na lider ng grupo si Pax Wala silang maisip na dahilan ng pagpatay sa kanya kundi ang pagiging lider-manggagawa niya.
Ang masama pa sa pangyayari, idineklara ng Task Force Usig ng Philippine National Police na “NPA (New People’s Army) ang pumaslang kay Pax.”
“Parang dalawang beses nilang pinatay si Pax,” galit na reaksiyon ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Courage.
Para kay Gaite, sa ganoong pahayag ng Task Force Usig, halatang ang gusto nito ay pawalang-sala ang militar, gayong ni hindi man lang nito inimbestigahan ang kaso.
“Kung sa tingin nila ay maaalis ng mga malisyosong bintang na ito ang stigma ng isang administrasyong desperado, walang naloloko ang PNP kundi ang sarili nila,” sabi pa ni Gaite.
Si Pax ang ikatlo sa mga panrehiyong lider-militante sa Eastern Visayas na pinaslang ng mga pinaghihinalaang militar. Una nang pinatay sina Sammy Bandilla ng Partido Anakpawis at Atty. Felidito Dacut ng Bayan Muna.
Si Pax din ang pangatlong lider-empleyado sa gobyerno na pinaslang magmula nang umupo sa poder si Pang. Arroyo. Noong 2004, pinaslang sina Sammy Dote, empleyado sa munisipyo sa Samar at pangkalahatang kalihim ng Courage-Samar, at Albert Terredaño ng Department of Agrarian Reform sa Abra at tagapangulo ng Courage-Abra.
0 responses so far ↓
There are no comments yet...Kick things off by filling out the form below.