Kenneth Roland A. Guda
Pinoy Weekly, Nobyembre 29-Disyembre 3, 2006
APAT na buwang lihim na ipiniit ng mga elemento ng 56th Infantry Battalion, Philippine Army, si Oscar Leuterio, 48, taga-Doña Remedios Trinidad, Bulacan. Sa loob ng panahong ito, naranasan at naging saksi siya sa sari-saring brutal na pamamaraan ng interogasyon.
Nasaksihan din niya ang personal na pangangasiwa sa brutalidad na ito ng tinaguriang “Lolo” ng mga sundalo – ang kareretirong heneral na si Jovito Palparan Jr.
Guwardiya si Leuterio ng Iron Ore Mining Corp., isang kompanyang nagmimina sa Doña Remedios Trinidad. Noong Abril 17, 2006, araw ng suweldo, sinalakay ng humigit-kumulang na 30 sundalo ang minahan at dinukot ang mga nagtatrabaho doon.
Sinamsam din ng mga sundalo ang mga pag-aari nilang selpon, pati ang mga kakukuha pa lamang na suweldo, na aabot sa P200,000.
Ang akusasyon ng mga sundalo: pawang mga tagasuporta ng NPA (New People’s Army) ang mga empleyado at trabahante. Ito ang impormasyong ibinigay ng mga ahenteng sibilyang sina Bitoy, Aladin, at Alvin Pastrana, pawang mga residente sa lugar na malapit sa minahan.
Piniringan ang mga empleyado at trabahante, pinadapa at pinagbubugbog. Pinakawalan kinabukasan ang karamihan. Pero nanatiling kulong sina Leuterio, kasama ang manedyer ng minahan na si Bernabe Mendiola, at ang mag-asawang sina Virgilio at Teresa Calilap.
“Nang gumabi na (Abril 17), isinakay kaming pahiga sa likod ng trak ng militar na walang bubong, at naglakbay ng humigit-kumulang tatlong oras, na sa aking pakiramdam ay paikut-ikot lamang sa lugar,” ayon sa sinumpaang salaysay ni Leuterio.
Alas 10 na ng gabi nang ipasok sila sa Kampo Tecson sa San Miguel, Bulacan. “Nalaman ko ito dahil maluwag ang aking piring at nasilip ko ang dinaanan naming arko na naliwanagan ng ilaw at may nakalagay na ‘Camp Tecson’,” kuwento ni Leuterio.
Sa isang kubo sa likuran ng kampo sila humimpil, ibinaba sa trak, at muling pinahirapan.
Sa salaysay ni Leuterio, doon siya sinimulang hambalusin ng dos por tres na kahoy ng isang lalaking “nakasuot ng dilaw na t-shirt at maong na pantalon at halatang lasing” na tinatawag ng mga sundalo na “Boy Muslim.” Malamang na isang alyas iyon, na kuha sa pelikulang “Alyas Boy Muslim” ni Dick Israel noong 1989.
“Natanggal ang aking piring (nang) pagbabayuhin ako,” ani Leuterio. “Dinikdik niya ng dos por tres ang aking mga daliri sa paa at kamay, at pumutok ang mga ito. Inihampas din niya ang kahoy sa aking mga binti at tuhod. Noong ako’y muling hinataw sa ulo, nawalan ako ng malay, at nagkamalay bandang hatinggabi.”
Kinaumagahan, isa pang imbestigador ang “nakiusap” sa kanya: Kilala ba niya ang mga NPA? Saan sila nagtatago?
Pagkatapos pakainin, isinakay sa isang van si Leuterio, kasama ang tatlo mula sa minahan.
“Nalaman ko na dinala kami sa Fort Magsaysay dahil narinig kong may mga boses ng lalaki na nag-uusap na mamamalengke daw sila sa Cabanatuan kinabukasan,” ayon kay Leuterio. Batid din niya na Fort Magsaysay ang lugar dahil nakakarinig siya ng paglipad at paglapag ng mga eroplano.
Sa loob ng isang bahay sa kampo, ipinasok si Leuterio sa isang kulungang ang laki’y tres por sais piye at ang taas ay limang piye. “Inilagay ako sa selda na pinakamalapit sa pintuan. Sa kanan ko naman ang mag-asawang Calilap sa isang selda. Ang kasunod nila ay si Bernabe Mendiola, at sa dulong selda ay ang magkapatid na Reymond at Reynan na taga-Bgy. Bohol na Mangga, San Miguel, Bulacan.”
Sa selda, tinanggalan ng piring ang anim. Hinayaang magpahinga at kumain. At sa ikapitong araw, muling sinimulan ng mga sundalo ang pambubugbog.
Mahigit isang buwan bago pinalaya ang magkapatid na Reymond at Reynan. Ipinalit sa selda nila si Manuel Sioson, 35, may-ari diumano ng bahay na pinagpulungan ng mga sundalong Magdalo sa Lambakin, San Miguel, Bulacan. Di kalauna’y nalumpo na si Manuel dahil sa tagal ng pagkakakulong sa isang seldang lubhang maliit para sa kanya na malaking tao.
“Unang pinakawalan sa aming apat si Bernabe Mendiola,” wika ni Leuterio. Iyon ang sinabi sa kanila ng mga sundalo. Pero, ang duda niya’y pinatay si Bernabe, dahil nakakita si Leuterio ng bagong hukay na libingan sa likod ng kampo nang minsang paghawanin siya dito matapos “palayain” si Mendiola.
“Ipinalit sa selda (ni Mendiola) si Bernabe Javier,” ani Leuterio.
Isang gabi noong Hulyo, habang nag-iinuman ang mga sundalo, dumating ang isang sasakyang may lulang “dalawang magagandang babae na nahuli.”
“Nasilip ko mula sa pintuan na malapit sa aking selda ang pagdaan (ng dalawang babae). Nakita ko na may piring ang kanilang mga mata at napansin kong ang isa ay matangkad at nakausli ang ngipin sa harapan,” sabi pa ni Leuterio.
Narinig pa ni Leuterio ang isang sundalo na nagsabing “Ang sarap pagnasaan ng dalawang iyan.”
Narinig din ni Leuterio na isang “MM” ang nahuli kasabay ng dalawang babae. Nang marinig niya ito, tiyak niyang nahuli si Manuel Merino, isang kaibigang may palayaw na “MM”.
Hulyo 23 nang palayain ng mga sundalo ang mag-asawang Calilap. Ngunit di agad nila napakawalan ang mga ito, dahil kinailangang ipagamot muna si Teresa. Nawala kasi ang katinuan niya. Tuwing inilalabas sa selda, naririnig ni Leuterio na nagmamakaawa ito sa mga sundalo: “Tama na! Ayoko na! Hirap na ako!”
Samantala, noong unang linggo ng Agosto, di na nakatagal si Bernabe Javier. Dahil sa sobrang pambubugbog at pananakot, nagbigti siya sa selda “gamit ang dinobleng tali ng kanyang salawal, noong unang linggo ng Agosto 2006, at inilibing ng mga sundalo sa isang hukay sa tabi ng bahay.”
Agosto 29 nang ilipat ng mga sundalo sina Leuterio at Manuel Sioson sa kulungan ng opisina ng Commanding General ng kampo. Doon siya kinausap ng tinaguriang “Lolo” ng mga sundalo, na wala ngang iba kundi si Palparan.
Patay ang ilaw at nakapiring ang kanyang mata habang kinakausap siya ni Palparan. “Sinabi niya sa akin na bubuhayin nila ako basta makikipagtulungan ako sa kanila,” ani Leuterio. Tatlong linggo pa siyang nanatili sa kulungan bago sila pinalaya noong Setyembre 14.
Pinakawalan si Leuterio sa kondisyong ito: Sa unang linggo ng paglaya, “hindi siya puwedeng lumabas ng bahay.” Sa pangalawang linggo, “maaari na siyang lumabas pero hanggang bakuran lamang.” Sa pangatlong linggo, “maaari nang lumabas sa bakuran pero hindi puwedeng makipag-usap sa ibang tao.” Sa ikaapat na linggo, “may darating na magdadala ng release papers at sasabihin sa akin kung saan ako magrereport.”
Para siguruhing susunod sa kondisyon, sinamahan pa siya ng isang “Gomez,” ang kapalit ng “Lolo,” pauwi sa bahay. (Ang pumalit kay Palparan bilang hepe ng 7th Infantry Battalion ay si Maj. Gen. Juanito Gomez.)
Dalawang linggo lamang na nanatili sa bahay si Leuterio, bago nakapaghanap ng selpon at tumawag sa kapatid para magpasundo.
Noong Martes, Nobyembre 16, dumalo si Leuterio sa pagdinig ng Court of Appeals sa isinampang kasong habeas corpus laban sa mga sundalo ni Palparan sa Bulacan para ilabas ang katawan ng mga nawawalang sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan. Doon, sa kabila ng panganib na sarili at pamilya, ikinuwento ni Leuterio ang kanyang karanasan sa kamay ng militar.
0 responses so far ↓
There are no comments yet...Kick things off by filling out the form below.