Soliman A. Santos / Kenneth Roland A. Guda
Pinoy Weekly, Nobyembre 22-28, 2006
Literal na tumigil ang buhay-buhay ng mga Pilipino nang muling makipagsuntukan si Manny Pacquiao. Pigil ng lahat ang paghinga, at marahil, maging ang gutom, nakalimutan. Ayon sa pulisya, zero ang crime rate sa Mega Manila sa panahong nagbabasagan ng mukha at nagbubugbugan ng bodega sina Pacquiao at Erik Morales.
Walang gaanong sasakyan sa kalsada. Saanman, punung-puno ang mga karinderyang may TV. Siksikan ang manonood sa mga plasa at istadyum na may video screen. Panay hiyawan ang maririnig sa mga bahayan laluna nang pabagsakin ni Pacquiao ang kalaban sa ikalawa at ikatlong round.
Tapos na ang boksing. Tinapos ni Pacquiao ang pinakaaabangang rubber match sa ikatlong round. Subalit hanggang sa kasalukuyan, pinag-uusapan pa rin ito, ang tinaguriang isa sa pinakamagandang laban sa kasaysayan ng boksing hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo.
Ganito pinahahalagahan ng masang Pilipino ang pagwawagi ni Pacquiao sa mandirigmang Mehikano.
Sa pinakahuling sarbey – noong 1999 pa – ng Social Weather Stations hinggil sa isport, napag-alamang basketbol pa rin ang pinakasikat sa mga Pilipino (72 porsiyento). Pangalawa ang boksing (55 porsiyento). Pangatlo naman ang bilyar (37 porsiyento) at pang-apat ang bowling (15 porsiyento).
Tugon sa pangangailangan
May esensiyal na pangangailangan ang masa na natutugunan ng panonood ng isport. Kabilang dito siyempre ang dulot na kasiyahan sa panahong nagpapahinga sila mula sa trabaho. Dahil sa tindi ng pagpapagod, kinakailangan ng manggagawa o magsasaka ng “libreng oras” para makapagpahinga, magrelaks, o “magpalipas ng oras.”
Sa paglubha ng krisis pampulitika at pang-ekonomiya, lumaki ang bilang ng mga mamamayang tumatangkilik sa mga sikat na isport. Sa sarbey ng SWS nitong huling kuwarto ng 2006, halimbawa, umangat ang bilang ng mga tumatangkilik sa bilyar.
Sa hanay ng Class D (pangalawa sa kategorya ng pinakamahihirap), 53 porsiyento ang nanonood ng bilyar noong Agosto 2005; nitong Setyembre 2006, umabot na ito sa 56 porsiyento. Sa hanay naman ng Class E (mayoryang pinakamahihirap na Pilipino), 42 porsiyento ang tumatangkilik ng bilyar noong Agosto 2005; nitong Setyembre 2006, umabot ito sa 51 porsiyento.
Ngunit bukod sa pagtugon sa pangangailangang “magrelaks,” sumisikat ang mga isport dahil naipapamalas ng mga ito, sa tulong ng masmidya, ang rurok ng kakayahang pisikal ng atletang Pilipino: ang mabilis at mabisang pagsuntok ni Pacquiao at ang eksaktong pag-asinta nina Efren “Bata” Reyes, Django Bustamante at Ronnie Alcano.
Kinikilala ang mga tulad ni Pacquiao maging ng militanteng mga organisasyong gaya ng KMU (Kilusang Mayo Uno). “Natutuwa kami sa panibagong karangalang iniuwi ni Manny para sa mga Pilipino. Patunay lang ito na hindi basta-basta sumusuko ang mga Pinoy at nananatiling nakatindig pa rin kahit sa harap ng matitinding laban at panganib,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.
Sinabi pa ni Labog na suportado ng mga manggagawa si Pacquiao. Bukod sa panonood ng basketbol, ang boksing ang isa sa paboritong libangan ng mga karaniwang obrero. Sa katunayan, isa si Anakpawis Rep. Crispin Beltran sa mga masugid na sumusubaybay sa karera ni Pacquiao.
Kabilng sa masa sina Pacquiao, Reyes, Bustamante at Alcano dahil sa kanilang pinagmulang kahirapan sa buhay at pagsusumikap na makaalpas dito – sa pamamagitan ng pagpapakahusay sa kani-kanilang linya sa isport.
Kung tutuusin, maaaring tingnan ito bilang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa pisikal na paggawa (physical labor): samantalang sumisikat ang mga tulad nina Pacquiao at Alcano, wala namang nakakakilala maging sa mga pinakamahuhusay na siyentista o dalubhasa sa bansa. Sa pamamagitan ng ehemplo nina Pacquiao, muli, dahil sa masmidya, tumitimo sa masa kung paano nagbubunga ng tagumpay ang pagsusumikap.
Ehemplo ng ‘alipin’
Ayon naman kay Jun Cruz Reyes, titser ng kulturang popular sa Unibersidad ng Pilipinas, kinakatawan ni Pacquiao ang aspirasyon ng aping masa.
“Katulad ng mga gladiator noong unang panahon, si Pacquiao ang pinakamagandang halimbawa ng isang alipin. Na basta mabait ka at pursigido, bibiyayaan ka ng Diyos,” ani Reyes.
Ang boksing ay sublimasyon ng karahasan. Inihahalintulad ito ni Reyes sa larong archery. Aniya, ininstitusyonalisa ng lipunan ang karahasan ng pamamana, tinawag itong archery, at ang pagsakop at paglupig sa mga kaharian ay naging chess naman.
Naging isport ang karahasan. Subalit hindi nangangahulugan na wala nang karahasan. Mas masama ito dahil ininstitusyonalisa na ng naghaharing-uri – lehitimo na ang karahasan para sila ay maaliw. Masama ito dahil ang mahihirap pa rin, kahit kabilang na sila sa mga naaaliw, ang lumalaban para sa kasiyahan ng mga nakatataas sa lipunan.
“Walang mayaman o mestiso na makikipagbasagan ng mukha. Ang boksing (pagpapakamatay para maging kampeong boksingero) ay para lamang sa mahihirap,” ayon kay Reyes.
Ang halaga ni Pacquiao sa masa ay ang paglaban niya na katulad ng alipin na naging gladiator. Ang kampeong gladiator ay hindi kayang patayin ng tigre o ng karaniwang sundalo.
Ipinaliwanag pa ni Reyes na hindi nakakatuwa na iniidolo ng masa si Pacquiao. Kung gaano karami umano ang nagdiriwang sa pagkapanalo ni Pacquiao, ganoon rin karaming api.
Ginagamit ng estado
Ganitong-ganito ang kuwento ng pagsusumikap na nais ipalaganap ng mga makapangyarihan, tulad ng gobyernong Arroyo, para papaniwalain ang mga mamamayan na uunlad ang buhay nila kung magsusumikap lamang sila.
Sa kanyang mensahe kay Pacquiao, sinabi ni Arroyo na kinikilala si Pacquiao ng sambayanan “sa tatag ng paninindigan, disiplina, sipag sa trabaho at kakayahang sa kabila ng mga sagabal, kayang kamtin ang tagumpay.” Sa kanyang pananalita, maaaninag ang kagustuhan ni Arroyo na ihalintulad ang tagumpay ni Pacquiao sa tagumpay diumano ng gobyerno.
Sa katunayan, ginawaran pa ni Pangulong Arroyo ng Order of Lakandula ang mga manlalarong tulad nina Pacquiao, Alacano at Reyes.
Ngunit para kay Pablo Tariman, patron ng maraming alagad ng sining at isa sa pangunahing tagapagtaguyod ng klasikal na musika sa bansa, nakalulungkot ang patuloy na pagtatambol ng Malakanyang sa tagumpay ni Pacquiao gayong nasasantabi ang iba pang talentong nagbibigay din ng karangalan sa lahing Pilipino.
“Samantalang dapat na ipagbunyi natin ang tagumpay ni Pacquiao, kailangang paalalahanan tayo sa iba pang role model sa iba pang larangan, laluna sa klasikal na musika na patuloy na pinababayaan,” sinulat ni Tariman sa wikang Ingles, sa kanyang sanaysay na Manny Pacquiao, Superman and Our Classical Artists.
Sinabi pa ni Tariman na dapat ding kilalanin ng masa ang mga tulad ni Cecile Licad, na gaya ni Pacquiao ay nag-eensayo rin ng walong oras sa isang araw para sa isang pagtatanghal.
‘Pag-asa’ ng tambay
Ayon pa kay Reyes, binubuhay naman nila “Bata” Reyes at Alcano ang aspirasyon ng mga tambay at kabataang hindi nakapag-aral. Hindi dapat pamarisan ang mga tambay o ang mga mahilig magbilyar kesa sa mag-aral. Pero ayun, nagpursige sila sa bilyar kaya kinikilala ngayon kahit sa ibang bansa.
Ang pagbibigay ng Order of Lakandula kina Pacquiao at iba pa ay maaaring repleksiyon ng kung paano natin pinahahalagahan ang ating mga bayani. Hindi umano kilala ng nagbigay ng parangal kung sino si Lakandula. Na ito ay hindi istambay kundi Lakan. Hindi boksingero kundi makata.
“Ganito tayo ka-taranta, ganito tayo ka-hilo kung ano ang gagawin sa mga tambay at mahihirap. Malulutas ba ng ilang kampeong Pilipino ang ugat ng problema ng kanilang uring pinagmulan?” tanong ni Reyes.
Ang mga kampeong Pilipino ay ginagawang dekorasyon ng sistema para maging halimbawa kung bakit hindi dapat mag-alsa ang mahihirap dahil may pag-asa namang umunlad – sumikat at kumita ng milyon-milyong dolyar na Amerikano at pisong Pilipino — kung magsusumikap lamang.
1 response so far ↓
JEMILYN // October 9, 2008 at 12:13 pm
HABA AH DI KO KAYA YAN11!111!!!!