Songs in the Key of PW

Alingasngas sa Baguio, abot sa palasyo

December 1, 2006 · Leave a Comment

Kenneth Roland A. Guda
Pinoy Weekly, Nobyembre 15-21, 2006

PARA kay Mayor Braulio Yaranon ng Baguio, nagsisimula pa lamang ang mga laban niya sa buhay sa edad na 78. Retirado man sa pagiging hukom, aktibo siya sa paglaban sa korapsiyon at katiwalian sa lungsod at sa bansa. Sa pagtataguyod sa interes ng nakararami, nakabangga niya maging ang mga makapangyarihang puwersa sa Malacañang.

Noong Hunyo 2006, sinupil si Yaranon ng Malacañang dahil sa paglaban niya sa katiwalian sa Baguio. Sa bisa ng isang reklamo ng kompanyang para kay Yaranon ay “ilegal na nanangasiwa ng pay parking” sa lungsod, idineklara ni Executive Secretary Eduardo Ermita ang isang taong suspensiyon ng alkalde.

Ang kakatwa, dating alyado ng Malacañang si Yaranon. Bilang miyembro ng paksiyon ni Sen. Eduardo Angara sa LDP (Laban ng Demokratikong Pilipino), kakampi ni Pangulong Arroyo si Yaranon sa maraming isyu, kabilang na ang kontrobersiyal na “Hello Garci”.

Popular na alkalde

Nagwagi si Yaranon bilang alkalde ng Baguio noong Mayo 2006. Natalo niya si dating Mayor Bernardo Vergara sa mapakalaking agwat – ayon sa ilang taga-obserba sa Baguio, ang pinakamalaking agwat ng boto sa kasaysayan ng halalan sa lungsod.

Popular si Yaranon sa mga mamamayan ng Baguio. Kabilang sa mga pangako niya ang pagtatanggol sa kalikasan ng lungsod at pagbaka sa matagal nang napag-uusapang korapsiyon sa lokal na pamahalaan.

Sa kanyang pag-upo, isiniwalat din ni Yaranon ang tangka diumano na isapribado ng Uniwide Corporation, isang malaking kompanyang supermarket, ang pampublikong palengke ng lungsod. Ayon sa mga dokumentong nakuha ng lokal na pahayagang Northern Dispatch, nagbigay ang Uniwide ng P5-Milyon kay Bonifacio Mitrado, aide ni dating Mayor (ngayo’y Representante) Mauricio Domogan noong 1993, para ipakita diumano ng Uniwide ang “seryoso at tapat na intensiyon” sa pagsasapribado ng palengke sa Baguio.

Dahil dito, malakas ang suporta kay Yaranon maging ng mga militanteng organisasyon sa Baguio. “Kinikilala namin ang mga ipinaglalaban niya,” sabi ni Chie Galvez, pangkalahatang kalihim ng Tongtongan Ti Umili, lokal na tsapter ng Bagong Alyansang Makabayan sa Kordilyera. Sabi pa ni Galvez, si Yaranon lamang ang isa sa iilang tumutupad ng mga ipinangako nila noong eleksiyon.

Jadewell

Partikular na ipinangako ni Yaranon ang pagkilatis, kundi man tuwirang pagbasura, sa kontrata ng lokal na pamahalaan ukol sa pangangasiwa ng Jadewell Parking Systems Corporation sa pay parking sa Baguio.

Noong 2000, nakipagkontrata ang administrasyon ni Mayor Vergara sa Jadewell para sa pay parking sa buong Baguio. Sa ordinansang inilabas ni Vergara, binigyang kapangyarihan ang Jadewell na mangolekta ng bayad sa parking sa mga pampublikong espasyo. May kapangyarihan na rin ang Jadewell na manghila ng mga sasakyang sira, at manghuli ng mga di-nagbabayad. Bilang kapalit, ang lokal na pamahalaan ay binibigyan ng Jadewell ng 20% ng nakokolektang bayad at multa.

Ilegal ito, ayon kay Yaranon. “Labas sa komersiyo ng tao ang kalsada,” aniya. Ang lumalabas, binibigyan na ng lokal na gobyerno ng kapangyarihan ang Jadewell na maging pulis, tagakolekta ng buwis, tagapangasiwa ng trapik, at maging tagausig at hukom.

Inirereklamo din ng mga ordinaryong mamamayan ang “abusadong gawi” ng Jadewell. Kabilang sa mga nagreklamo laban sa Jadewell si dating Ilocos Norte Board Member Nick Parado. Aniya, sandali siyang huminto sa tapat ng isang botika para bumili ng gamot para sa maysakit na asawang iniwan niya sa loob ng sasakyan. Pagkagaling sa botika, nakita ni Parado ang sasakyan na hinihila ng Jadewell, lulan ang maysakit na asawa.

Maging ang mga tsuper ng Piston (Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operator Nationwide) sa Baguio ay apektado ng Jadewell. Tutol ang Piston sa pagpapataw ng renta ng Jadewell sa mga terminal ng dyip at traysikel. Minsan, umabot pa sa P500 kada araw ang sinisingil diumano ng Jadewell sa mga asosasyon ng dyip sa terminal.

Dahil sa popular na sentimiyento, hiniling ni Yaranon sa Coa (Commission on Audit) na imbestigahan ang ordinansa ni Vergara. Ayon sa alkalde, napag-alaman ng Coa na ilegal ang transaksiyon sa Jadewell. Inisyu ni Yaranon ang Executive Order 1-004 na kumikilala sa “karapatan ng mga mamamayan na tumangging magbayad ng pampublikong bayarin sa isang pribadong entidad.”

Iginiit naman ng Jadewell ang Traffic Ordinance No. 003-2000 na nagpapahintulot na ito ay mangasiwa sa parking. Bilang ganti, inireklamo ni Jadewell Pres. Rogelio Tan si Yaranon sa Department of Interior and Local Government, na nagrekomenda sa Malacañang para si Yaranon ay isuspinde nang anim na buwan.

(Jadewell din ang nagpasuspinde kay Caloocan City Mayor Enrico Echiverri kamakailan. Ibinasura ng alkalde noong 2004 ang kontrata ng Jadewell dahil sa “pang-aabuso” ng mga empleyado ng Jadewell at di-pagtupad diumano ng kompanya sa mga ipinangakong pagtatayo ng electronic parking meters. Inaprubahan ang kontrata ng lungsod ng Caloocan at Jadewell noong panahon ni dating Mayor Rey Malonzo, na kaalyado ni Pangulong Arroyo. Miyembro naman ng oposisyon si Echiverri.)

Suspensiyon

Isang taon ang ipinataw na suspensiyon ng Malacañang sa dati nitong matapat na alyadong si Yaranon. Sa panayam sa PINOY WEEKLY, sinabi ni Yaranon na inilabas niya ang EO bilang depensa sa karapatan ng mga mamamayan ng Baguio.

Kumbinsido ang alkalde na may kinalaman dito ang mga katunggali niya sa pulitika, laluna sina Rep. Domogan at Vergara. Si Domogan kasi ang alkalde noong aprubahan ang ordinansa para sa Jadewell. Noong kalagitnaan ng kampanya kontra sa Jadewell, mariing dinepensahan ni Domogan ang ordinansa. Gayunman, itinatanggi nila ngayon na may kinalaman sila sa suspensiyon ni Yaranon.

Malakas si Domogan sa Malacañang. Malapit siyang alyado ni Pangulong Arroyo sa halos lahat ng usapin – mula sa “Hello Garci,” hanggang sa impeachment at panukalang Charter Change. Nitong nakaraang buwan, si Domogan ang isa sa mga pangunahing nagtulak sa imbestigasyon at pagpapatalsik mula sa Kamara kay Rep. Allan Peter Cayetano, na nagsiwalat ng “mga natatagong yaman sa US” ni First Gentleman Mike Arroyo.

Ilang impormante na malapit kay Yaranon ang naghihinalang “malakas” ang Jadewell kay Mike Arroyo. Katunayan, ang mga may-ari nito (pamilyang Tan at Lim ng Binondo, Maynila) ang mga campaign contributor ni Pangulong Arroyo noong eleksiyong 2004.

Kontra-casino

Para kay Galvez ng Tongtongan Ti Umili, maaaring hindi lamang isyu ng Jadewell ang nag-udyok sa Malacañang na isuspinde si Yaranon. Kabilang sa mga unang ginawa ng alkalde ang pagharang sa pagtatayo ng casino sa Camp John Hay.

Disyembre 2004 nakatakdang magsimula ang operasyon ang Royal Highland Gaming Corporation ni Alfredo Benitez sa Camp John Hay. Ngunit hindi nagbigay ng permit si Yaranon. Malakas ang naging oposisyon ng mga mamamayan ng Baguio, sa pamumuno ng Tongtongan Ti Umili, laban sa pagtatayo ng casino noon pa mang 2003.

Ang pangunahing tumulong diumano kay Benitez na makakuha ng lisensiya sa Pagcor (Philippine Amusement and Gaming Corp.) para sa operasyon ng casino sa Camp John Hay ay si Ronald Singson, anak ni Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson, na malapit na kaalyado ng Malacañang. Nakapuwesto sa Pagcor ngayon ang ilan sa mga “tao” ni Singson tulad nina Phillip Co, Louie Carlos at Manuel Roxas, samantalang tumatayong tagapangulo naman ng Pagcor ang kaibigan ni Mike Arroyo na si Efraim Genuino.

Matagal nang umuugong sa Baguio ang usap-usapan hinggil sa plano ni Chavit Singson na pagtatayo ng casino sa Baguio. Gayunpaman, di tiyak ni Yaranon kung may kinalaman si Singson sa Royal Highland. Ang alam lang niya, ani Yaranon, may interes ang “ilang negosyante mula sa Binondo” sa naturang proyektong casino.

Pagkilos ng taumbayan

Naniniwala si Yaranon na may pulitika ang desisyon ng Malacañang na isuspinde siya. “Of course, I’m disappointed with Malacañang. When a mayor sees acts of crime being committed, what is he supposed to do?” mapait niyang reaksiyon. Bagaman dati niyang sinusuportahan si Arroyo, hindi na siya umaasang magkakamit ng hustisya.

Sinabi naman ni Galvez na maaaring may kinalaman din sa desisyon ng palasyo ang talumpati ni Yaranon noong Marso 2006. Sa isang porum na dinaluhan ni Pangulong Arroyo, inihayag ng alkalde ng Baguio na sa kanyang palagay, “baka kailangang talakayin pa nang husto ang panukalang Charter Change bago tuluyang ikampanya.”

Samantala, umaasa ang suspendidong alkalde na papanig sa kanya ang Korte Suprema. Buong suporta din siya sa kampanya ng mga organisasyong tulad ng Tongtongan Ti Umili laban sa katiwalian sa pamahalaan. Partikular na ikinakampanya ng naturang grupo ang tuluyang pagpapalayas sa Jadewell.

Categories: Lathalain

0 responses so far ↓

  • There are no comments yet...Kick things off by filling out the form below.

Leave a Comment