Kenneth Roland A. Guda / Soliman A. Santos
SADYA nga bang ipinatatalo ng DOJ (Department of Justice) ang kaso ng gobyerno laban sa apat na US Marines na inakusahan ng panggagahasa kay “Nicole”?
Ito ang hinala ng panig ng biktimang si “Nicole” matapos ang “nakakadismayang” cross-examination ng mga tagausig ng DOJ sa akusadong si Lance Corp. Daniel Smith noong nakaraang linggo.
Nilayasan ni “Nicole,” mga kaanak at tagasuporta ang sala ni Hukom Benjamin Pozon sa Makati Regional Trial Court bago pa man magsimula ang pagdinig noong Setyembre 14, dahil sa kapalpakan diumano ng mga abogado ng DOJ. Pagkatapos, humarap siya at ang inang si Susan Nicola sa midya para ihayag ang kanilang “kawalan ng tiwala” sa mga tagausig ng DOJ. Hiniling nila na palitan ang mga ito – sina Hazel Valdez, Nolibien Quiambao, Elizabeth Berdal at Lagrimas Agaran.
“Nicole”: Walang Tiwala sa DOJ
Maraming dahilan kung bakit naghihinala si “Nicole.” Pangunahin na rito ang ilang beses na paghikayat diumano ng punong tagausig na si Emilie Fe de los Santos sa kanyang inang si Susan na “makipag-areglo na lamang sa mga akusado.”
“Sinabi niya (De los Santos) sa akin: ‘Hingin mo kung ano ang gusto mo (sa pag-aareglo). Isulat mo ito’,” pagtatapat ni Susan. Salaysay pa niya, nagulat siya sa alok ni De los Santos lalupa’t ito ang puno ng lupon ng mga tagausig sa kaso.
Kung hindi sila makikipag-areglo, banta pa raw ni De los Santos, ay maaaring matalo ang kasong panggagahasa, kapalit ng pagpayag ng gobyernong US sa asylum ng nasakoteng dating Agriculture Undersecretary Jocelyn Bolante.
Si Bolante, malapit na kaibigan ni First Gentleman Mike Arroyo, ang itinuturong opereytor sa P728 milyong iskandalo sa abono na kinasangkutan ni Pangulong Arroyo. Kasalukuyan siyang nakadetine ngayon sa US dahil sa kanseladong visa niya.
Galit namang itinanggi ni De los Santos ang paratang ni Susan. Humihingi lang umano ng payo si Susan sa dapat gawin sa kaso, kaya ipinaliwanag naman niya ang pamamaraan sa aregluhan.
Sinabi rin ni Susan na itinutulak siya ni De los Santos na tanggalin si Atty. Evalyn Ursua bilang pribadong abogado ni “Nicole.” Ngunit buo ang suporta ng pamilya ng biktima kay Ursua, na kilalang eksperto sa mga kasong may kaugnayan sa karapatan ng kababaihan. Ito ang ipinahayag ni “Nicole” noong Setyembre 16.
“Mula pa sa simula ay alam ko na ang kakulangan sa paghahanda ng state prosecutors sa aking kaso. Naging mahinahon ako at ang aking pamilya dahil sa alam namin na nakatutok (naman) ang aming private prosecutors,” ani Nicole.
Kasaysayan ng pag-aareglo?
Sa pagkuwestiyon ni “Nicole” sa kapasidad at integridad ng state prosecutors, nasasalang ang rekord laluna ni De los Santos bilang abogado.
Ayon sa mga impormasyong nakalap ng PINOY WEEKLY, noong 2002, tagausig si De los Santos ng Makati City. Hinawakan niya ang isang kaso ng incest rape na isinampa ng batang si “Gina.” Kinumpirma ni Police Superintendent Felicidad Ramos-Gido, na noo’y hepe ng Women and Children Complaints Division ng PNP Criminal Investigation and Detection Group, ang naturang kaso na hinawakan nga ni De los Santos.
Ayon sa impormante, tinangkang aregluhin ni De los Santos ang kaso sa akusadong kaanak ni “Gina.” Subalit hindi sumang-ayon sa “areglo” ang kampo ni “Gina”. Naresolusyonan ang kaso noong taong 2005, sabi ni Gido. Nahatulan ng pagkakakulong ang akusado.
Ayon naman sa impormanteng may koneksiyon sa komunidad ng Filipino-Chinese, noong 2005, ikinampanya ng mga kaanak ng mga biktima ng mga dinukot na Tsinoy ang pagpapaalis kay De los Santos bilang hepe ng Naktaf (National Anti-Kidnapping Task Force) dahil sa kawalan nila ng kumpiyansa kay De los Santos sa paghawak sa mga kaso ng kidnap-for-ransom.
Ayaw magpakilala ang impormante dahil dinidinig pa ang mga kaso at pinakiusapan siya ng mga biktima na “hinay-hinay sa pagpuna dahil baka maaapektuhan ang mga kaso.”
Ayon pa sa impormante, marami ring reklamo ang mga biktima ng kidnapping ukol kay De los Santos. Umano, hindi nito pinapayagan ang kanilang private counsel na mag-direct o cross examination gayong ang mga public prosecutor (sina De los Santos) ay hindi naman handa sa kaso.
Sinabi rin niyang “ipinarating na ito sa itaas, (kay Chief State Prosecutor Jovencito Zuño), pero walang nangyari, at binweltahan pa ang mga nagsumbong.” Kaya ayaw nang umalma ang mga biktima.
Nagpahayag ng paghanga kay “Nicole” at sa nanay niya ang impormante ng PINOY WEEKLY dahil sa lakas-loob nilang magsabi ng totoo.
(Sinikap ng PINOY WEEKLY na kunin ang panig ni De los Santos subalit hanggang sinusulat namin ang artikulong ito, hindi niya sinasagot ang aming mga tawag.)
“Kung totoo (na dati nang nang-aareglo ng kaso si De los Santos), kinukumpirma nito ang sinasabi ng kliyente ko na siya man ay sinubukang aregluhin,” paliwanag ni Ursua. Hinikayat ni Ursua na lumantad ang lahat ng may alam sa rekord ni De los Santos bilang tagausig “upang malaman ang buong katotohanan.”
Samantala, sinabi ni Justice Secretary Raul Gonzalez na patuloy siyang nagtitiwala kina De los Santos at sa lima pang tagausig ng DOJ. Gayunpaman, kung mapapatunayan raw na nakikipag-areglo si De los Santos sa mga akusadong Kano, maaari siyang imbestigahan at kasuhan.
Duda sa DOJ
Hindi ito ang unang pagkakataon na kinukuwestiyon ang paghawak ng DOJ sa kaso ni “Nicole.” Noong Abril 2006, nagbitiw bilang isa sa mga tagausig si Prosecutor Prudencio Jalandoni ng Olongapo City dahil di siya sang-ayon sa paghawak ng DOJ sa kaso.
Nawalan ng kumpiyansa si Jalandoni sa DOJ sanhi ng inilabas nitong resolusyong pagaanin ang kaso laban sa tatlong US Marines (mga kasamahan ni Smith) na di direktang nanggahasa kay “Nicole” (ngunit nag-udyok kay Smith na ituloy ang panggagahasa sa biktima).
“I am disappointed with the resolution. This is the main reason why I’m resigning from the panel,” sabi ni Jalandoni noong Abril.
Sinabi ni Jalandoni na malakas ang ebidensiya na magdidiin sa lahat ng apat na US Marines bilang prinsipal na akusado.
Kalihim ng Hustisya?
Kamakailan, nagpahayag na naman si Gonzalez ng pagdududa na ginahasa nga si “Nicole.” Bilang reaksiyon sa akusasyon ni Susan (ang tangkang pag-areglo ni De los Santos sa kaso), sinabi ni Gonzalez na maaaring “imahinasyon” lamang ni “Nicole” ang areglo — tulad ng “imahinasyon” niyang panggagahasa sa kanya ng apat na Kano.
“Ginoong kalihim, hindi ko imahinasyon ang panggagahasa. Dahil mga tauhan mo ang dapat umuusig sa mga nanggahasa (sa akin), hindi mo dapat ito sinabi,” mapait na pahayag ni “Nicole” sa palagay ni Gonzales. “Hindi ako istupido na ilagay ang sarili ko sa ganitong paghihirap kung ito ay gawa-gawa ko lang.”
Nakikiisa si Ursua sa hangad ng pamilya ni “Nicole” na alisin na ang apat sa limang mga state prosecutor dahil wala na silang tiwala sa mga abogado ng gobyerno.
Sinuportahan naman ng Gabriela, alyansa ng militanteng kababaihan, na sipain na ang mga tagausig ng gobyerno. Ayon kay Emmi de Jesus, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, kailangang seryosohin ng DOJ ang mga paratang ng panig ni “Nicole.”
“Hindi dapat minamaliit ang batayan ng kanilang pagkabahala, laluna kung totoong may rekord ang state prosecutor sa pag-aareglo ng mga kasong hinahawakan niya,” sabi ni De Jesus. “Malaking bagay kapag nawawalan ng kumpiyansa ang biktima sa mga tagausig ng kanyang kaso, laluna sa mga kaso ng panggagahasa.”
Tapos na ang paglalatag ng mga ebidensiya sa kaso ni “Nicole,” at sinasabing nasa ikalawang yugto na ang paglilitis. Kung ganyan na hindi lamang ang apat na US Marines ang kalaban ng biktima, kundi maging ang kanyang “mga tagapagtanggol,” mananalo kaya siya?
Setyembre 27 – Oktubre 3, 2006
0 responses so far ↓
There are no comments yet...Kick things off by filling out the form below.