Kenneth Roland A. Guda
Pinoy Weekly, Disyembre 6-12, 2006
PATUNGONG trabaho sa isang lokal na taniman ng niyog sa San Pablo City, Laguna si Eduardo Millares, 50, kasama ang kamanggagawang si Victoriano Cariño, 42, noong Oktubre 18, 2006 nang pagbabarilin sila ng isang armadong lalaking naka-motorsiklo. Patay si Eduardo, ngunit sugatan lamang at nakaligtas sa kamatayan si Victoriano. Parehong miyembro sila ng Samahan ng Magkakpitbahay sa Tabing-Riles o SMTR sa barangay Soledad.
Buong-ingay na kinondena ng mga kapitbahay at kasamahan nina Eduardo at Victoriano ang pamamaril. Aktibong kalahok ang dalawang biktima sa paglaban sa demolisyon ng mga kabahayan sa Soledad dahil sa proyektong pariles ng Philippine National Railway. Dalawang buwan bago ang insidente, naghasik na ng takot ang mga elemento ng 202nd Infrantry Battalion Philippine Army ng detatsment sa kanilang komunidad, sa pamamagitan ng linggu-linggong operasyon at pagpatupad ng curfew.
Walang duda sa kanilang isipan, mga kagawad ng militar ang may kagagawan. Ipinagtibay ito ng imbestigasyon ng Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao.
Ngunit bago pa man ang imbestigasyon, idineklara na ng PNP (Philippine National Police) na resolbado na ang kaso. Ayon mismo sa Deputy Director General nito – at hepe pa man din ng Task Force Usig – na si Avelino Razon, walang kamay ang militar sa pagpaslang kay Eduardo. Sa halip, NPA (New People’s Army) diumano ang may kagagawan. “Ordinaryong kriminal” diumano si Eduardo na kasangkot sa mga ilegal na gawain ng NPA na “pinatahimik” dahil sa mga nalalaman niya hinggil sa aktibidad ng grupo.
Sa deklarasyong ito ni Razon, isinara ang kaso ng pagpaslang kay Eduardo at pamamaril kay Victoriano. Hindi nila ibibilang ito sa tala ng “pampulitikang pamamaslang.” Walang paglabag sa karapatang pantao na naganap. Simpleng kaso lang ito ng “krimen” ng isang “teroristang grupo” tulad ng NPA.
Ngunit di rito tumigil si Razon. “Propaganda lamang ng Karapatan ang pagturing sa isang ordinaryong kriminal bilang martir,” deklara ni Razon. “Isa na naman itong mapanlinlang na propaganda ng prenteng organisasyon ng CPP (Communist Party of the Philippines) sa isyu ng pampulitikang pamamaslang.”
Galit na galit ang pangkalahatang kalihim ng Karapatan na si Marie Hilao-Enriquez, nang makapanayam ng PINOY WEEKLY hinggil dito kamakailan. “Balak naming kasuhan ng libel si Heneral Razon,” bitiw niya. Paliwanag ni Enriquez, sa ganitong paraan kadalasang natatapos ang imbestigasyon ng pulis sa mga pampulitikang pamamaslang: bago pa man busisiin ang mga ebidensiya, magdedeklara na ang sinumang opisyal ng PNP na rebelde ang may kagagawan. Pagkatapos, sasabihin niyang “propaganda” lamang ang ulat ng Karapatan, na idinidikit nila sa NPA at CPP.
“Kapag sinabi ng gobyerno, militar o PNP tapos na kaso, ang gusto nilang mangyari’y tanggapin na lamang ng publiko. Kung ano ang deklarasyon nila, paniwalaan na lang natin,” himutok ni Enriquez.
Obserbasyon ni Enriquez, tila ito na istandard na proseso ng PNP sa mga pampulitikang pamamaslang.
Isa pang halimbawa nito ang kaso ng pagpatay sa mag-asawang mamamahayag at aktibista na sina Maricel at George Vigo sa Kidapawan City, Cotabato noong Hunyo 19. Dalawang araw matapos ang krimen (isang rekord ito, marahil, sa bilis ng resolusyon ng kaso sa kasaysayan ng pag-iimbestiga ng mga pulis sa mga pamamaslang), idineklara na ng hepe ng PNP sa Central Mindanao na isang hitman ng NPA na si Dionisio Madanggit ang pumatay sa mag-asawa.
Ayon sa pulis, pinatay ang mag-asawa dahil umano sa pagiging espiya ng dalawa para sa militar. Ngunit walang anumang ebidensiya o saksi na iprinisinta na magpapatunay sa sinasabing dahilan ng pamamaslang, sa pagkakasangkot sa krimen ni Magdanggit o kahit sa pahayag na NPA si Magdanggit.
Nagsagawa ng sariling imbestigasyon ang Karapatan, gayundin ang mga kasamahang mamamahayag ng mga Vigo sa Mindanao. Napag-alaman nila na hindi NPA si Magdanggit kundi matagal nang nagtatrabaho bilang sibilyang “tagaligpit” ng militar. Katunayan, ayon sa Karapatan, si Magdanggit din ang pangunahing suspek sa pagkakapaslang sa ilang organisador ng magsasaka sa Cotabato ngayong taon.
Ganito rin ang nangyari sa kaso ng pagpaslang noong Mayo 31 kay Sotero Llamas, dating lider ng NPA sa Bicol na naging sibilyan at sumabak sa pulitika noong eleksiyong 2004. Apat na araw matapos ang insidente, idineklara ng PNP Region 5, sa pamamgitan ng tagapgsalita nitong si Supt. Eleazar Bron, na may saksi silang nagpapatunay na mga dating kasamahan sa NPA ang pumatay kay Llamas.
Ngunit inamin din mismo ng PNP na naaresto nila ang isang Boyet Martirez na kilalang ahente ng Isafp (Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines) kaugnay ng kaso matapos ihayag ni Nemia Llamas, asawa ng biktima, na minsan nang kinausap ni Martirez si Sotero noong Mayo 20. Napaiyak pa umano sa takot si Sotero sa takot na malapit na siyang “iligpit” ni Martirez.
“Ang nakakatakot dito, hanggang sa pinakaitaas ng gobyerno, ganito ang linya kapag tinatanong hinggil sa pampulitikang pamamaslang,” paliwanag ni Enriquez.
Itinutukoy ni Enriquez ang mga pahayag ng mga opisyal ng Department of National Defense, gayundin ang National Security Adviser, Justice Secretary, Executive Secretary, Press Secretary hanggang sa Presidente.
Katunayan, dalawang linggo bago buuin ng Komisyong Melo na nag-iimbestiga diumano ng mga pamamaslang, idineklara na ni National Security Adviser Norberto Gonzales na NPA ang may kagagawan sa karamihan sa mga pamamaslang. Sa parehong araw, inihayag din ni Executive Secretary Eduardo Ermita na sinusuportahan nila ang ulat ng Task Force Usig na ilan sa mga pamamaslang ay kagagawan ng NPA.
Bukod sa walang anumang makatotohanang imbestigasyon na isinasagawa ang Task Force Usig, at kahit Komisyong Melo, sinabi pa ni Enriquez na mapapansin sa mga pamamaslang ang iisang padron: ginawa ang pamamaslang sa isang napakarahas na paraan, na tila hindi natatakot ang mga maysala na mahuli ng mga awtoridad.
Tingnan na lamang, ani Enriquez, ang kaso ng pagpaslang noong Enero 6 kay Perla “Nanay Perla” Rodriguez, 61, residente ng Bgy. Divisoria, Mexico, Pampanga, at miyembro ng Divisoria Farmers Association, na miyembrong organisasyon ng AMGL (Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon) at KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas). “Hawak-hawak pa niya ang kanyang apo (na si Eliza) nang binaril siya. Grabe ang kawalanghiyaan,” sabi ni Enriquez. Kumakain sa hapag-kainan ang pamilya ni Nanay Perla at tanaw na tanaw nila ang bumaril.
Gayundin ang kaso ng pagpaslang kay Max Frivaldo, 43, lider ng Bayan Muna, konsehal ng Sorsogon at apo ng tanyag na dating gobernador ng Sorsogon na si Juan Frivaldo. Hawak naman ng biktimang Frivaldo ang apat-na-taong gulang na anak niya nang pasukin ng suspek ang bahay niya at binaril siya nang malapitan.
Naganap ang pagpaslang kay Frivaldo sa mismong panahong iniimbestigahan ng mga pulis ang pagpaslang sa isa pang lider ng Bayan Muna sa Sorsogon na si Ricardo Uy noong Nobyembre 2005. Inamin mismo ng mga pulis ang pagkakapareho sa estilo ng pagkakapaslang sa dalawang lider-militante.
Sa ilang kaso rin, nagaganap ang pamamaslang kahit (o dahil) may nalalapit na detatsment ng militar o istasyon ng pulisya sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Ganito ang kaso ng pagpaslang kay Obispo Alberto Ramento, na pinaslang sa kanyang simbahan sa Tarlac kahit may mga nalalapit na istasyon ng pulis na madaling makaresponde. Ganito rin ang kaso ng pagpatay kay Rei Mon Guran, sa Bulan, Sorsogon. Gayundin kay Cris Hugo sa Legazpi City, Albay.
Sa halos lahat ng kaso, naganap ang pagpaslang sa umaga, kitang kita ng maraming saksi, na para bagang hindi nag-aalala ang suspek na maaari siyang makilala, paliwanag pa ni Enriquez.
Bukod pa ito sa marami-rami ring kasong nakita pa ng mga biktima na mismong sundalo ang maysala.
Kamakailan, lumantad din upang magsalita sa publiko si Oscar Leuterio ng Doña Remedios Trinidad, Bulacan, na isa sa mga dinukot ng militar mula sa isang minahan sa lugar at ikinulong nang apat na buwan. Hinanap siya ng mga kasamahan niya sa trabaho, gayundin ng mga human rights worker ng Karapatan. Sa loob ng panahong ito, itinanggi ng militar na nasa kamay nila si Leuterio.
“Natatandaan ko pa iyan,” ani Enriquez, hinggil sa kaso ni Leuterio. “Hinanap talaga siya ng Karapatan sa mga kampo ng militar sa Bulacan. Panay ang tanggi ng mga opisyal, wala daw sa kanila.”
Pero napabulaanan ang sinabi ng mga sundalo nang lumantad si Leuterio sa Court of Appeals noong Nobyembre 16 para isiwalat ang karanasan ng pagmamalupit sa kanya ng mga sundalo, ang ilegal na pagpiit sa kanya at sa iba pang sibilyan sa di-makataong paraan, at lihim na pagkulong at pagtortyur sa mga hinahanap na estudyante ng UP na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan.
Ipinapakita lamang ng pagtanggi ng gobyernong Arroyo sa pananagutan ng militar sa bakila ng napakaraming ebidensiya na hindi ito interesado sa seryosong resolusyon sa pamamaslang, ani Enriquez. “Napakawalang-hiya nitong si Gloria (Arroyo),” bitaw ni Enriquez, nanginginig ang boses sa galit sa umano’y punong may pananagutan sa pamamaslang.
“At Sinungaling pa,” pahabol ni Enriquez. Para sa kanya, kawalang kaduda-dudang si Arroyo mismo ang nagtutulak sa pamamaslang, sa lalong pagtindi ng abusong militar at sa kabuuang paglala ng sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa. Katunayan nito ang pagdeklara niya ng all-out war sa CPP-NPA, na ang pangunahing tinatamaa’y mga legal na militanteng organisasyon.
“Noong ideklara niya ang all-out war at paglaan ng P1-Bilyon sa giyera, mapapansing tumindi talaga ang pamamaslang at pagdukot. Sunud-sunod iyon. Matapos ang deklarasyon, sa loob lang ng Hunyo, dinukot sina Rudy at Gabriel Calubad (sa Quezon), si Constancio Calubid at limang iba pa (sa Samar), si Leopoldo Ancheta (sa Bulacan), at sina Cadapan at Empeño (sa Bulacan),” sabi pa ni Enriquez.
Noong nakaraang Setyembre, sa pag-aaral ng Agham (organisasyon ng mga makabayang siyentista’t dalubhasa sa agham) sa datos ng Karapatan, napag-alamang konsentrado ang mga pamamaslang kung saan may malaking konsentrasyon din ng deployment ng militar, tulad ng sa Timog Katagalugan, Bikol at Gitnang Luzon. Napag-alaman din batay sa datos na nagagap ang maraming bilang pamamaslang sa loob ng isa o dalawang araw lamang. Ibig sabihin nito, para sa Agham, na sistematiko at may pambansang pangangasiwa ang pamamaslang.
Para kay Enriquez, sa Karapatan, at marahil, sa dumaraming bilang ng mga mamamayan, iisa lang kongklusyon sa lahat ng ito: “Mamamatay-tao ang gobyernong ito.”